ni Marife Villanueva
Tatlong buwan (Nobyembre) na rin ang nakalilipas noong bisitahin ko ang aking Auntie sa Bohol pero ang malungkot na parte ng pagbisita kong ito ay ang hindi ko na muling magagawang masilayan ang mainit na ngiti at kanyang pagmamahal - na aking naramdamang parang siya ang aking ina sa tuwing ang aking ina ay hindi nakakasama sa paguwi sa Bohol. Noong una kong marinig ang balitang ito ay hindi ko alam kung ano ba ang nararapat na maging reaksyon lalo na’t ang aking mga pinsan ay nasa kasukdulan ng kalungkutan. Hindi ko alam kung ano ang tamang mga salita upang gumaan ang kanilang pakiramdam sapagkat alam kong hindi madaling mapawi ang pangungulila (lalo na ang pinsan kong si Vilma). Ang Auntie ko ay namatay dahil sa Diabetes at kumplikasyon sa puso.
Nitong Enero ay nakatanggap muli ako ng balita na nakakagulat. Ang ama ng isa sa pinakamalapit kong college friend ay comatose sa sakit na Ruptured Aneurysm. Ito ay ang sakit na kung saan ang ugat sa utak ay pumutok. At ilang araw lang ang lumipas ay nilisan na niya ang mundo.
At ngayong buwan ng Pebrero, ang malapit na kamag-anak namin ay namatay dahil sa High Blood at Diabetes.
Sa tatlong lamay na aking pinuntahan sa loob ng tatlong buwan ay naisipan kong isulat ang tungkol sa mga dapat gawin kung ikaw ay pupunta sa lamay at ang dapat gawin ng mga taong tumitira sa pinagbuburulan.
1. Huwag magsuot ng pulang suotin kung bibisita sa lamay sapagkat sinasabing ikaw daw ay masaya na may namatay pa.
2. Huwag iuwi ang mga pagkain na nanggaling sa lamay. Dapat lamang na ito ay ubusin doon sa lamayan.
3. Bawal maghatid ng mga bisita sa labas sapagkat sinasabing ang taong humatid sa labas ay siyang susunod na paglalamayan.
4. Kung ikaw ay bisitia at may nakalimutan sa loob ng bahay (o sa pinagbuburulan), bawal na bumalik sa loob at sa halip ay ipakuha na lamang sa ibang tao na nasa loob.
5. Huwag magwalis o maglinis sapagkat parang ang patay ay iyo na raw na itinataboy.
6. Huwag maligo sa bahay o sa lugar na pinagbuburulan.
7. Naglalagay ng sisiw sa ibabaw ng kabaong kung ang namatay ay naghahanap ng katarungan.
8. Dapat na sakto ang sukat ng kabaong para sa namatay dahil kung ito man ay sobra, may susunod daw na ka-miyembro ng pamliya.
9. Ang taong bumisita sa lamay ay dapat na magpagpag (bumisita sa ibang lugar) bago dumiretso sa bahay.
10. Ito ay tradisyon lamang ng aming pamilya at hindi ko na magawang kwestiyunin pa sapagkat naiinis lang sila:
a. Bago pumasok ay dapat na may maghagis ng bigas sa iyong ulunan.
b. Magsiga ng apoy at dumaan dito.
c. Maghugas ng kamay at paa bago pumasok ng bahay.
d. Magpalit ng damit, hindi dapat sa loob ng bahay.(dito ako pinaka naiinis kasi masyadong nakakaabala)
Sadyang kay dami ng mga pamahiin ng mga Pilipino at aking hinihiling sa Panginoon na sana ay hindi na ako makarinig ng paglisan ng mga taong kakilala ko sa buhay. Alam kong imposible ito, pero nakakatakot lamang ang pakiramdam na may nawawalay.
Wala namang taong gustong mamatay pero ito talaga ang kahahantungan ng lahat ng mga nabubuhay sa ating mundo. Lahat tayo ay iisa lang ang destinasyon kung kaya’t habang tayo ay nabubuhay pa ay ibigay at gawin natin ang nais nating gampanan at nais makamit. Ang kamatayan ay simbolismo ng pagbabago – iyon ang nakikita kong positibong kaisipan ukol dito.
ni Gerald Carandang
Matapos ang lamay, may prusisyon na nangyayari, may misa na binibigay at libing. May rosaryo na nilalagay sa kamay ng bangkay bago ibababa ang kabaong sa lupa, ang kabaong ay bubuksan para sa huling paalam. May mga pinoy na sinisira ang rosaryo para mapigilan ang isa pang patay sa pamilya, at ang mga bata ay nagsusuot ng pula para hindi sila susundan ng espiritu ng patay. Bilang batas, bukas ang kabaong at normal lang na hawakan ang katawan ng namatay. Hindi naniniwala ang mga Pinoy sa cremation at dapat buo ang katawan ng patay. May mga rosary sessions na ginagawa bawat gabi sa loob ng tatlumpung araw para tulungang sumalangit ang kaluluwa ng namatay. Ang mga padasal na ito ay nangyayari sa bahay ng namatay at isa pa itong panahon para magbigay galang ang mga kaanak at kaibigan sa namatay. Sa panahong ito hanggang sa buong panahon ng bisitasyon at lamay, itinuturin na bastos ang magpakita ng emosyon na hindi malungkot at seryoso.Ang mga dekorasyon sa lamay - tulad ng kabaong at bulaklak - ay napaka detalyado dahil itinuturing na ang nangyayari sa lamay ay representasyon ng buhay ng patay. Ang libing naman ay isang mahabang prosesyon na naglalakad (dahil ang mga bayan ay maliit naman kaya malapit lang ang sementeryo), kung saan ang mga nakikiramay ay kumakanta ng bahagi ng dasal hanggang sa sementeryo. Ang prosesyon ay kukuha ng hindi direktang ruta papuntang sementeryo at iikot sa bayan para bigyang pagkakataon ang maraming tao na magbigay galang sa huling pagkakataon.Matapos ang libing, siyam na araw ng pagdarasal ang inaalay sa patay ang mangyayari. Ang gurpo-grupong pagdadasal na ito ay tumutulong sa patay na makapasok sa langit. Ang ika apat at ika siyam na araw ay tinatawag na oras kung saan ang kaluluwa ng namatay ay babalik. May alay na pagkain sa labas ng pinto ng bahay sa panahong ito para sa espiritu ng patay. Ang ika 40 na araw matapos mamatay ang tao ay ipinagdiriwang dahil sa araw na iyon siya sinasabing papasok sa langit. Isang taon matapos mamatay, may isang panghuling seremonyas na tinatawag na ‘waksi’ ang ginaganap.Sa loob ng isang taon o higit pa, ang nagluluksang pamilya ay nagsusuot ng itim. Ang mga lalaki ay nagsusuot ng itim na ribbon sa kanilang braso, at ang mga babae ay nakaitim na kasuotan. Karaniwan ang mga babaeng nawawalan ng anak ay nagsusuot ng itim sa buong buhay nila. Tradisyon sa pamilya na laging bisitahin ang libingan, lalo na sa Araw ng mga Santo at Araw ng mga Patay. Nililinis ang libingan, nilalagyan ng bulaklak at kandila na sinisindihan nang may kasamang dasal. May pagkain ding hinahanda sa panahong ito.